Friday, January 21, 2011

"THE TRUTH WILL SET YOU FREE"

Kaninang umaga, (January 21, 2011) sa aming friday worship service ng aming kumpanya ay pinag-aralan namin ang katotohanan na tanging sa Panginoong Hesus lamang matatagpuan ang kaligtasan. Sa mga pananalita ng pastor na nagbahagi ng Salita ng Diyos, marami ang mga katotohanan patungkol sa mali at walang saysay na paniniwala, kultura at nakaugalian na ating nakagisnan ang tinalakay na tila ba nagdulot ng sari-saring bulong-bulungan, mga tanong at iba't-ibang wild reaction mula sa mga tagapakinig. Mga reaksyong tila ba hindi matanggap at mapaniwalaan ang katotohanan dahil sa matagal na panahon na nilang pinanghawakan at ginagawa ang mga paniniwalaang minana pa nila sa mga ninuno nila.

Ang "Katotohanan" ay isang bagay na kung ating malalaman ay magdudulot ng sakit at kirot, o maaari ding magdulot ng pagkalito at pagkagulo ng pag-iisip. Ang "Katotohanan" ay isang bagay na malaki ang magiging epekto sa buhay ng bawat isa dahil ito ay may kinalaman sa buhay ng tao, mga katotohanan patungkol sa tunay na pagkakakilanlan, tunay na estado sa buhay at kalagayan ng ating mga sarili.

Tulad sa aming worship service kanina, hindi madaling tanggapin na sa mahabang panahon ay niloloko lamang natin ang sarili natin sa sa paggawa ng samu't saring kabutihan at relihiyosong gawain ay makakatulong ito upang tayo ay magkaron ng ticket upang makapasok sa langit at mailalapit tayo sa PANGINOON (Efeso 2:8-9). Puros kasinungalingan lamang pala ang karamihan sa ating hinagkan at pinaniwalaan ng una, nakakalungkot kundi ito ang katotohanan.

Sa mundong puno ng kasamaan at kasinungalingan, sadyang nakakalito dahil maraming mga tao ang magsasabi ng iba't ibang paniniwala na tila ba ang hirap paniwalaan. Pero, ang isang bagay na dapat malaman ng lahat, "kung ating malalaman ang katotohan, ito rin ang magbibigay ng kalayaan sa bawat isa sa atin. Kung ating tatanggapin ng buong puso ang katotohanan, ito ay magbibigay ng mas maganda at maunlad na buhay sa atin, ng kagalakan na hindi maihahambing sa kahit anupaman." ang tanong, ano nga ba ang katotohanan?

Ang katotohanan na ang lahat ng tao ay nagkasala at masama kaya't patungo sa kaparusahan, patungo sa walang hanggang buhay sa kahirapan at sakit sa lawa ng apoy, doon sa impyerno (Roma 6:23). Ang katotohanan na wala tayong magagawa upang iligtas ang ating sarili, ngunit may isang katotohanan na dahil wala tayong magagawa upang maligtas ang Diyos ang gumawa ng paraan upang magkaroon ng daan na ang bawat isa sa atin ay makalapit at makapunta sa langit, ang maligtas. Ang katotohanan na ang Panginoong Hesus (Yeshua), ang nag-iisang anak ng Diyos ay naparito sa lupang, nagpakababa at nagkatawang tao upang maghirap at mamatay sa krus ng kalbaryo upang tayo na "tunay na sasampalataya" ay maligtas at matagpuan ang buhay na walang hanggan kay Kristo. Ito ang katotohanan, na kung ating tatanggapin ay matatagpuan natin ang kalayaan sa iba't-ibang kasinungaling minsan umalipin sa atin.

Ang "regalo ng kaligtasan" na ibinibigay ng Diyos sa atin ay libre, walang bayad at laging nakalaan sa bawat isa, ang dapat lamang ay abutin mo ito, kunin at tanggapin sa pamamagitan ng "tunay na pagsampalataya" na ang Panginoong Hesus (Yeshua) ay ang iyong Panginoon at Tagapagligtas, ang "tunay na pagsisisi" sa iyong mga kasalanan at pagsunod sa Kanya.

Kung ito ay iyong ginawa, ikaw ay magkakaron ng kalayaan na tanging sa PANGINOON lamang matatagpuan. "you will know the truth, and the truth will set you free" Juan 8:32.

Marami pang katotohanan ang nais ng Panginoon na malaman natin, at ang mga bagay na ito ay nasusulat sa kanyang salita. Ang nais ng PANGINOON ay malaman natin ito upang mas mapalaya pa Niya tayo sa mga emosyon, ugali at character na dapat baguhin upang ang ating buhay ay maging isang buhay na patotoo na magbibigay ng kaluguran sa KANYA.

Ang imbitasyon ng PANGINOON ay ang makasama ka NIYA at mas makilala mo kung sino SIYA. Ang tanong, nais mo bang SIYA'y mas makilala, gumawa sa iyong buhay at malaman ang mas marami pang katotohan patungkol sa buhay?

Sa Iyo oh YAHWEH ang lahat ng kapurihan, pagsamba, kadakilaan at kaluwalhatian.

No comments:

Post a Comment