Ika-12 ng enero, taong dalawang libo at labing isa. Maaga akong gumising dahil sa inaasahan ko na ang matinding traffic na susuungin ko pagbiyahe papasok sa aking trabaho sa ortigas. Maaga akong nakaalis ng bahay pero late pa rin akong nakarating sa office. Ang problema kasi, maaga nga akong nagising at umalis ng bahay, kaso punuan at walang masakyang fx. Gusto kong makasakay agad kaso wala akong magawa kundi ang matiyagang maghintay, kahit nakakapagod at nakakainip. Matagal akong naghintay ng fx, halos 45minuto ang hinintay bago ako nakasakay. Gusto ko sanang madaliin ang byahe ko sa pamamagitan ng pagpapatakbo sa fx ng mabilis kaso, pasahero lang ako eh, di naman ako ang driver. Kaya ang resulta, late ako ng 12minuto sa aking trabaho.
Sa buhay ng tao, ang paghihintay ay isang bagay na nakakainip at nakakapagod. Madalas, dahil sa katagalan ng ating hinihintay ay sumusuko na lang ang iba at gumagawa o naghahanap ng ibang alternatibo upang maibsan ang kanilang pagkainip at kasabikan na magkaroon ng isang bagay, makapunta sa isang bagay o ang makasama ang mga mahahalaga sa buhay natin. Minsan tulad sa pagsakay sa fx, may nakakalungkot na mga pagkakataon na kapag dumating na ang fx at tuwang-tuwa ka na at makakasakay ka ay bigla mong malalaman na puno na at wala ng mauupuan dahil naunahan kana. Sa buhay natin dumadating ang mga pagkakataon na akala natin yun na, kaso hindi pala dahil may nauna na satin kaya ang resulta ay isang mahaba-habang paghihintay na naman. Tulad ng paghihintay ng isang fx para makasakay at makapunta sa iyong paroroonan na sadyang nakakainip, nakakaantok at nakakainis lalo kung napakatagal, ang buhay ng tao ay ganito rin. Mapatungkol sa pag-ibig, hangarin at pangarap ng tao, itong lahat ay nangangailangan ng paghihintay at katiyagaan. Ito ang mga napagtanto at nabulay-bulay ko patungkol sa paghihintay. Mga katotohanang maitutulad sa paghihintay ng masasakyan pag may pupuntahan ang isang tao.
Isang bagay ang sigurado, Ang kasiguraduhan na may darating na fx/jeep na masasakyan mo para makarating sa pupuntahan. Kung ang tao man ay naghihintay na matupad ang kanyang pangarap, o makasama ang isang taong kanyang iniibig, ang kasiguraduhan ay darating at darating yan, pero tulad ng paghihintay ng fx/jeep, kailangan lang nating magtiyaga, magpasensya at maghintay. Siguradong may darating na fx, kaya lang kung minsan puno na kaya kailangan mo pa ring tanggapin ang katotohanan na hindi yan nakalaan sayo kaya maghintay ka na lang uli ng susunod. May mga pagkakataon na kahit gusto natin, hindi pwede at hindi maaaring ipilit kaya dapat matuto tayong tanggapin ang katotohanan at matutong magtiyaga at maghintay.
May mga pagkakataon na sadyang nakakapagod ang maghintay lalo na kung sadyang napakatagal na. Pero isang bagay at katotohanan ang dapat nating gawin at panghawakan. Hindi natin dapat panghawakan at hintayin ang kung tawagin ay tamang panahon, tamang araw, tamang lugar at tamang tao kundi ang dapat nating tanggapin, intindihin at hintayin ay walang iba kundi ang "KALOOBAN NG DIYOS" sa ating buhay.
Ang "KALOOBAN NG DIYOS" ay isang bagay na ating hihintayin ng buong puso, at dapat tanggapin sa ating buhay na magbibigay ng higit na kagalakan, kasapatan, kaligayahan, kapayapaan at kaunlaran na tanging sa PANGINOON lamang makikita. Kaya isang bagay ang masasabi at pinanghahawakan ko, "ITS ALWAYS WORTH WAITING FOR THE WILL OF GOD".
tama! :)
ReplyDeleteTnx sa comment.. GOD bless..ΓΌ
ReplyDeleteInspiring..:)
ReplyDelete