"Tagu-taguan maliwanag ang buwan, wala sa harap, wala sa likod, pagbilang kong tatlo nakatago na kayo"
Isa sa mga paborito kong laro ng ako ay bata pa, walang iba kundi ang tagu-taguan. Isa ang taya na pipikit at nakaharap sa pader habang ang iba'y magtatago sa iba't ibang lugar na matataguan at sa pagtapos ng pagbibilang na taya ay hahanapin na ang mga nagtatago at kailangan pag nakita niya ito ay mauna siya na makarating sa pader kung saan siya "pumikit, naghintay at nagbilang" bago dumilat at maghanap.
Nakakatuwang alalahanin ang mga panahon na tayo naglalaro nito pero sa panahon ngayon na tayo ay tumatanda na, ang larong "tagu-taguan" ay isang gawain na hindi na nagiging laro kundi nagiging isang gawain na. Hindi naman masama, hindi ko rin sinasabing mali ang magtago bagkus ay may pagkakataon na ito ay maaaring "tama" o madalas ay "inaakala lamang nating tama" ngunit ang totoo ito ay "mali". Ikaw, ano bang itinatago mo?
Ano nga ba ang madalas nating tinatago? Kailan nga ba nagiging tama o mali ang pagtatago? Alam nating lahat ang katotohanan na ang isang bagay na mali, labag o di sang-ayon sa batas na umiiral sa atin tulad ng pagnanakaw, pagpatay at panloloko kapag itinago ay "mali". Ang isang bagay na mali, itago mo man o hindi ay mali pa rin. Hindi tulad sa algebra na ang dalawang negative numbers pag minultiply ay nagiging positive, ang isang mali ay hindi ginagamitan ng multiplication kundi ng addition lamang na ang isang mali pag sinamahan mo ng mali ay madadagdagan lamang ng mas matindi at mas malaking pagkakamali. Sa buhay natin, maliban sa mga bagay na labag sa batas, maraming maling bagay, damdamin at gawain na nagagawa ang tao na inaakala lamang natin na tama pero sa katotohanan ay mali dahil ito ay hindi ayon sa kalooban at naisin ng PANGINOON.
Pangkaraniwan, ang mga bagay na tinatago natin ay itinatago natin sa isang lalagyanan na kung tawagin ay ang ating puso. May mga damdamin ang bawat tao, na hindi maaring alisin dahil nilikha tayong kawangis ng Diyos na may pakiramdam at marunong umibig. Pagdating sa pag-ibig, marami sa atin ang nagtatago o may itinatago na minsan ay nararapat na munang itago at minsan naman ay itinatago ng iba dahil mayroong mali. May mga damdaming kung minsan ay dapat itago na lamang sa ating sarili at huwag na lang munang ipaalam dahil wala pa sa tamang panahon at hindi siya ang itinadha at inilaan ng PANGINOON para sa atin. Walang mali sa pagtatago ng damdamin kung ito naman ay para sa ikabubuti ng lahat at para sa katuparan ng layunin at kalooban ng PANGINOON. Hindi mali ang magtago ng damdamin lalo na kung ang naisin mo ay hindi ang ganapin at hanapin ang sarili mong gusto kundi ang ganapin at hanapin ang kalooban at kalugud-lugod sa PANGINOON. Tulad sa larong tagu-taguan, minsan kailangan ipikit na lang muna natin ang ating mata at magbilang o maghintay na hanggang sa matapos ang pagbibilang at sa pagdilat ng iyong mata ay ang pagsikat ng liwanag upang makita mo sa iyong paghahanap ang bawat mabuting bagay na nilaan ng PANGINOON para sayo. Isa-isa mong makikita ang: Pag-asa, Kagalakan, Biyaya, Kabutihan at napakarami pang Pagpapala ng PANGINOON para sa atin.
Kailan nagiging mali ang pagtatago? Muli tayong dumako sa pag-ibig, sa panahon ngayon lalong-lalo sa mga kabataan ay usong-uso ang pagkakaroon ng romantic relationship na pilit namang itinatago at hindi pinapaalam sa mga magulang at sa nakararami. Ito ay ang isa sa mga maling paraan ng pagtatago. Ang PANGINOON ay nagtakda ng isang tao na makakasama natin, pero ang pagdating ng taong iyon ay nasa tama at takdang panahon na dapat ay hintayin natin, tulad sa pagbilang ng one, two, three sa larong tagu-taguan bago imulat ang hanapin ang mga dapat tayain.
Ang isang bagay kung ito ay tama ay hindi kailangang itago bagkus ay buong tapang na ipagmalaki ngunit kung ito ay mali ay buong hiya mo itong itatago at ililihim sa iba. Ang isang mali minsan hindi naman kailangang ilihim, ang dapat lamang ay matuto tayong tanggapin ang katotohanan na tayo ay nagkamali. Pag natanggap natin na tayo ay nagmali, hindi kailangan na manatili sa paggawa nito kundi ang dapat ay pagsisihan at lumapit sa PANGINOON na Siyang tanging may kapangyarihan upang magpatawad sa atin. Kung mayroon mang isang nakakaalam ng lahat ng ating itinatago at nakakakilala sa atin ng lubos, ito ay walang iba kundi ang PANGINOON na nakakaalam ng lahat ng bagay, hindi nalilingid sa kanya maging ang pinakatatago-tago natin sa ating mga puso. Hindi natin kailangang magtago kung tayo ay nagkakamali, ang kailangan lang ang ang magkaroon ng mapagpakumbabang puso, ang magsisi ng tunay at lumapit sa PANGINOON na may kapangyarihan upang tayo ay linisin at patawarin.
Ang buhay natin sa mundo ay isang tagu-taguan na ang laging taya ay ang PANGINOON. Ang pinagkaiba nga lang sa larong ating nakagisnan, kahit ano pang gawin nating pagtatago ay makikita Niya tayo saan man tayo magtago kaya laging panalo ang PANGINOON.
To YAHWEH be the Glory.
true...
ReplyDelete