"WAITING is one of an aspect of life that most has already forgot to do"
Sa maraming pagkakataon, ang kasabihang ito ay sadyang naglalaman ng katotohanan na sa buhay natin ay makikita. Sa maraming pagkakataon, lahat tayo gustong gusto na madaliin ang lahat. Sa pag-aaral, tipikal sa estudyante ang kagustuhan madaliin na matapos ang isang klase o pag-aaral, lalo na yung mga tamad. Sa isang empleyado o nagtatrabaho, sa paggising at pagsakay pa lang ng sasakyan ay nagmamadali na ang lahat upang huwag lamang malate sa trabaho. Pero kung minsan, sa pagnanais nating mapabilis ang lahat ay marami tayong nakakalimutan at hindi nabibigyan ng pansin na magdudulot ng di kanais-nais na problema at mga alalahanin na sadyang nakakaapekto sa ating buhay.
Tulad sa mga nauna ko ng blogs, ang paghihintay ay sadyang nakakainis at nakakaasar. Ang isang simpleng usapan lamang na magkita sa isang lugar sa isang partikular na oras at lumipas ang ilang minuto lamang ay sadyang nakakaasar at nakayayamot, diba? Lalo na kung tumagal pa ng mas matagal ang paghihintay, baka gustuhin mo ng umuwi at matulog na lamang sa iyong bahay. Minsan, magtitiyaga ka pa rin na maghintay kahit na sa loob mo ay naaasar ka na, iniisip mo na lamang ang mga pagkakataon na minsan ka rin naging "V.I.P" na nagpahintay at nagdulot ng pagkayamnt sa mga taong pinaghintay mo.
Minsan ay nagtanong sa akin na isang kaibigan, ang tanong niya ay: Hanggang kailan nga ba dapat maghintay ang isang tao? Obviously, ang tanong niya ay patungkol sa pag-ibig, kaya ng mga oras na yun ay hindi ako kaagad nakasagot sa kanyang katanungan. Ikaw, matanong lang kita, di mo naman kelangan sagutin kasi di ko rin malalaman kung sinagot o sasagutin mo: Ano o Sino ba ang hinihintay mo? Ang paghihintay, madalas ito ay patungkol sa pag-ibig ngunit hindi sa lahat oras o bagay. Minsan may mga pangarap tayo sa buhay na pilit na hinihintay na mangyari, tulad sa akin na hanggang ngayon ay naghihintay ng panahon kung kailan ako muling magrereview at magtetake ng board exam upang maging isang "CPA" o "Certified Public Accountant".
Ang paghihintay tulad ng halimbawa ko kanina sa isang usapan upang magkita sa partikular na lugar at oras, may mga katotohanan dito na makikita upang masagot ang katanungan kung "hanggan kailan nga ba maghihintay?", sa pag-ibig, pangarap at iba pang bagay.
Ang una, sa isang usapan upang magkita, dapat malinaw o "clear" sa dalawang nag-usap kung saang "lugar" sila magkikita. Sa paghihintay, ang tanong sa atin ay, "tayo ba ay nasa tamang lugar" upang maghintay? Madalas kung bakit tumatagal ang paghihintay ng tao ay dahil sa katotohanan na "wala ka naman sa tamang lugar", sa pag-ibig, madalas marami ang nagiging sawi at malungkot na nagsasabi ng "naghintay lamang sa wala". Tama naman na naghintay lamang sila sa wala kasi di mo naman kailangang maghintay kung ang isang tao ay alam mo namang walang pagtingin at walang pagtatangi sa'yo maliban sa ikaw ay kanyang kaibigan. Sa pag-abot naman ng ating pangarap, "nasa tamang lugar" ka ba upang maabot ang nais mo? Kung ang isang tao na nais umangat ang buhay ay wala namang ginagawa at nananatiling tamad, tingin mo kaya may patutunguhan ang buhay mo? Meron naman, sa kangkungan nga lang. Asan ka na ba ngayon, kung ang "lugar ng iyong buhay o katayuan ngayon ay wala sa ayos", tama lamang na itigil mo na ang paghihintay at ibaling mo na sa iba ang iyong pagtatangi o pagnanais.
Pangalawa, sa isang usapan kailangan mayroon ka "communication" sa kausap mo para kung malelate man siya ay alam mo. Isa sa pinakamahirap at pinakanakakaasar ay ang maghintay sa isang taong ni hindi mo alam kung darating o sadyang nakatulog lang sa biyahe at lumagpas lang yung sinasakyang jeep, ang masama pa eh kung ang hinihintay mo ay nakatulog o "natutulog pa sa bahay nila". Sa buhay natin, baka hintay ka nga ng hintay, di mo naman nakakausap o wala ka namang "communication" sa hinihintay mo, kung may kumunikasyon lamang sa kausap mo ay malalaman mo kung maghihintay ka ba o hindi. Diba?
At panghuli, kung ang usapan niyo ng kausap mo ay alas otso ng gabi magkikita, dapat alam mo na ang preparasyon at paghahanda para makarating sa pupuntahan mo ay kailangan maglaan ka ng ilang oras bago ang inyong usapan. Sa buhay natin, kung gusto mong maghintay dapat alam mo na may nakalaan dapat na oras upang ihanda mo ang iyong sarili bago makarating sa pupuntahan mo. Ang tanong nga lang, "mayroon ka bang paghahanda" o isa ka rin sa mga taong ang moto sa buhay ay "bahala na"? Okey lang sana kung ang "bahala na" na moto mo ay tulad ng orihinal na kahulugan na "bathala na" o ang Diyos na ang gumawa at kumilos, kaso kung ito ay pagsasawalang bahaka, yun ang mali. Kung ikaw ay "nagsasawalang bahala", wag ka ngang maghintay.
May mga panahon na dapat tumigil na tayo sa paghihintay. Pero hindi tayo dapat mapagod at manawa na maghintay at magtiwala, walang iba kundi sa "KALOOBAN NG DIYOS" dahil ito'y tiyak at siguradong darating, saang lugar ka man naroon.
No comments:
Post a Comment