Sunday, March 6, 2011

Matapang ka ba???

Pano nga ba masasabi na ang isang tao ay matapang? Pangkaraniwan, ang batayan ng tao para masabing matapang ang iyong mga walang kinakatakutan, hindi umaatras sa anumang laban at handang gawin ang lahat para lamang magtagumpay. Madalas, ang mga taong nasa pakikipaglaban tulad ng mga sundalong sumuong sa iba't-ibang labanan o giyera, mga taong nakikipaglaban gamit ang kanilang karunungan sa pakikipagdebate upang masabing sila ang tama at mga taong pilit ginagawa ang lahat kahit na magdusa at masaktan maipatupad lamang ang kanilang pananaw, ideya at katuwiran na ipinaglalaban ang tinatawag na matapang. Ang buhay kristiyano ay isa ring buhay ng pakikipaglaban o isang labanan sa pagitan natin at ng kasalanan na pinanghaharian ng mapantuksong si satanas. Maliban dito, ang buhay kristiyano ay isang labanan ng ating makamundong laman at espiritwal na bahagi. Sa bawat araw, nariyan ang kaaway na naghihintay ng pagkakataon na tayo ay tuksuhin, ilapit at dalhin sa pagsuway at pagkakasala.

Sa labanang ito, masasabi mo kayang ikaw ay matapang upang harapin ang lahat? Hindi ka ba aatras o magdadalawang isip man lang na umiwas? Sabi nila, ang matapang di umaatras, pero ang katotohanan ay: kahit sa totoo at tunay na giyera, ang pagkapanalo ay hindi nakaayon sa pagharap sa lahat ng kaaway na tila ba kaya mong tapusin ang lahat kundi ginagamitan ito ng katalinuhan at karunungan na malaman kung ano ang pinakamadaling paraan upang manalo ng hindi kailangan pang humarap sa napakaraming kalaban at magbuwis ng buhay. Ganon din sa ating buhay kristiyano, di mo kailangang harapin ang lahat ng tukso o "temptation" na nasa harap mo, minsan dapat maging matalino at marunong na malaman natin kung ano ang kaya natin mapagtagumpayan at ano ang hindi kaya na dapat iwasan upang magtagumpay.

Sabi sakin ng kaibigan kong sundalo, kapag sila daw ay lumalaban sa isang giyera o dimaan, ang pinakamabuting kakayahan daw na dapat taglayin ay ang kakayahang umiwas sa anumang bala na maaaring tumama sa iyo. Di ko alam kung totoo yun pera sa "it make sense" na sa buhay kristiyano, kung gusto nating pagtagumpayan ang pagkakasala at paggawa ng mga bagay na hindi ayon sa kalooban ng PANGINOON, dapat marunong tayo na "umilag" at "umiwas" sa mga bala ng kaaway na si satanas na maaaring magbigay satin ng matinding sugat at sakit.

"Duwag" daw ang tawag sa mga taong takot masaktan at harapin ang kaaway. Sabi uli ng kaibigan kong sundalo, minsan kapag nasa giyera ka, kapag alam ng lider ng grupo na sila ay walang kakayahan na magtagumpay o manalo kailangan ay umatras muna tayo at lumayo sa mga kalaban. Ganoon din sa buhay kristiyano, hindi naman kaduwagan ang pag-atras at di-pagharap sa isang "temptation" o tukso lalo na kung masyadong malakas ang hatak sa atin ng partikular na tukso kundi karunungan at ang pagiging wais lamang ang ating ginagamit dahil kung alam mong iyon ay iyong kahinaan. Di mo kailangan subukin ang sarili kung matatag ka o hindi, ang sabi sa 1 Corinto 10:12: "kaya't ang may akalang siya ay nakatayo, mag-ingat na bka mabuwal." Kahit anong tatag at lakas natin, ang katotohan ay may kahinaan tayo at iyon ay alam na alam ng kaaway (walang iba kundi si satan) kaya nararapat na tayo ay mag-ingat at matutong umilag o umiwas sa mga bagay, lugar o maging sa mga taong maaaring gamitin ni satan upang tayo ay tuksuin at mahulog sa pagkakasala.
Kahuli-hulihan, ang kwento ng kaibigan kong sundalo, pagdating sa giyera minsan kapag wala ka nang pwedeng gawin, kung hindi mo na kayang umiwas at piling mo ay magiging katapusan na iyon ng iyong buhay ay dapat matuto kang sumuko. Gayundin sa ating buhay kristiyano, sa panahon na hindi na natin kaya, hindi na tayo makaiwas at nahuhulog na tayo sa kasalanan, ang mabuting gawin ay sumuko, ngunit kanino tayo susuko? Isuko natin ang ating buhay sa PANGINOON at hayaang SIYA ang magkontrol at magbibigay na kalayaan at katagumpayan sa bawat kasalanang umaalipin at nagpapahirap sa atin. Ang sabi sa 1 Corinto 10:13: Hindi dumating sa inyo ang anumang tukso kundi yaong matitiis ng tao: datapwat tapat ang Diyos, na hindi niya ipahihintulo't na kayo'y tuksuhin ng higit sa inyong makakaya; kundi kalakip din ng tukso ay gagawin naman ang paraan ng pag-ilag, upang ito'y inyong matiis.."

kalakip ng pagtatagumpay laban sa kasalanan o pagkakasala, hindi kailangang maging matapang na haharapin ang lahat maging ang kahinaan natin. Matutong umilag, umiwas at isuko ang laban sa PANGINOON.

1 comment:

  1. sabi daw ng mga tao mas matapang daw ung duwag kaysa sa matapang....

    ReplyDelete