Monday, December 20, 2010

BAKIT NGA KAYA?

Bakit kaya maraming bagay ang sadyang komplikado? Bakit nga kaya maraming bagay ang di maaaring gawin agad-agad? Bakit kailangang lumipas pa ang panahon bago mapagtanto ang katotohanan na minsan gumulo at hanggang ngayon ay gumugulo sa isipan na marami?

Sa maraming pagkakataon, ang bawat tao ay may mga katanungang pilit hinahanapan ng kasagutan. Madalas, dahil sa pagiging desperado na masagot ang kanilang katanungan ay gumagawa ng mga paraan na di angkop kaya sa bandang huli ay puno ng sakit at pagsisisi. May mga katanungan na minsan ay nangangailangan ng mahaba-habang pasensya at paghihintay bago magkaroon ng kasagutan. Minsan, kahit alam mo na ang kasagutan sa iyong katanungan, ay may panibagong katanungan na naman na susulpot at muling magbibigay ng kaguluhan sa pag-iisip ng tao. Mga katanungan panahon na lamang ang makasasagot, mga katanungang may kinalaman sa oras at panahon. Bakit nga ba kailangang maghintay? Bakit may mga bagay na nararapat itago? Bakit may mga katotohanan na dapat ipagpaliban at di muna dapat sabihin? Bakit kahit gusto ko ay di pa rin pwede?

Maraming bagay at katanungan ang paniguradong gugulo sa buhay mo, at sa buhay ng bawat isa. Kung minsan, dahil sa kawalan ng kasagutan sa mga ito, ay dito rin nagsisimula na maligaw ang ilan dahil sa maling paghahanap ng kasagutan at maling mapupuntahan upang makahanap ng kasapatan. Minsan nakakainip ang maghintay, nakakabagot at nakakaantok. Ang simpleng pag-iisa habang nakapila sa isang napakahabang linya upang makasakay at makauwi ay nakakabagot na, pano pa kaya kung sa bawat araw na lumilipas ay naghihintay ka sa pagdating ng tamang panahon sa tamang lugar at sa oras na ang lahat ay ayon sa kalooban NIYA.

Bakit nga ba hindi maaaring sabihin ang ang mga bagay na magbibigay sa atin ng kalayaan? Bakit nga kaya di na lang magpakatotoo? Marahil, kung mangyari man na masabi ang mga bagay-bagay ay magdulot lamang ito ng lalo pang kaguluhan kung hindi pa naman ito napapanahon. Na kung malayang sasabihin ang lahat ay magdudulot lamang ito ng mas magulong palaisipan at di pagkakaunawaan. Kung ang pagsasabi ng saloobin ng bawat isa ay magdudulot ng pagkalito at pagkabigo, marahil tama lang na wag na lamang ipaalam at panatilihin na lamang na lihim.

Sa lahat ng katanungan, ito ang katotohang aking pinanghahawakan at paninindigan: Eclesiastes 3:1.. "Sa bawat bagay ay may kapanahunan, at panahon sa bawat bagay sa silong ng langit". Ako ay matiyagang maghihintay at ipagkakatiwala ang lahat sa'Yo oh YAHWEH. Ikaw ang nakakaalam ng mga mabubuting bagay para sa akin. Isang napakagandang plano ang iyong inilaan sa akin at sa aming lahat na iyong anak. Ang nais ko ay ang lumakad sa iyong katuwiran at kabanakan. Ang lumakad ayon sa iyong kalooban ang nais ko. Ang katotohanang sinasabi sa IYONG salita: Eclesiastes 3:11, "Ginawa Niya ang bawat bagay na maganda sa kapanahunan niyon.." Maghintay man ng matagal, ako'y di mapapagod dahil nalalaman ko na ang lahat ay ayon sa KANYANG kalooban. Sa'YO oh YAHWEH ang lahat ng kaluwalhatian, kadakilaan, pagsamba at kapurihan.

No comments:

Post a Comment