Sunday, December 26, 2010

"TAMBAY KA BA?"

9:45am, Ika-27 ng disyembre taong dalawang libo at sampu. Ako nagising mula sa aking pagkakatulog, bumangon sa higaan at nagpasalamat sa PANGINOON: "salamat at buhay na naman ako, may panibagong kalakasan, kagalakan at kasiyahan na muling mabuhay. Sa isang umaga na puno ng pag-asa at pagkakataon na muling maranasan ang pagkilos ni YAHWEH sa aking buhay.

Sa araw na ito, wala akong pasok dahil: "its a holiday".... Wala rin akong masyadong dapat gawin dahil di ko pa maisip kung ano nga ba ang uunahin kong gawin. Anyways, sa araw na ito muli kong magagawa na "TumAMBAY" sa bahay matapos ang maraming buwan ng kabisihan sa trabaho. Namiss ko ang bawat umaga na ako ay gumigising ng late at walang iniisip na anuman kundi ang magpahinga at maging "TAMBAY" sa aming bahay.

Sa maraming pagkakataon na nababanggit ang salitang "TAMBAY", ay tinanong ko ang aking sarili kung saan nga ba nagsimula ang salitang ito. Nagsearch ako sa google, tinanong si wikipedia at walang malinaw na paliwanag kung anong pinagmulan nito. Ngunit may isang article akong nakita na sinulat ng isang pilipinong walang trabaho na ang tambay daw ay nagmula sa salitang "TA-laM-Buh-AY". Di ko alam kung totoo pero maaaring may tama ang nagsulat nito. Madalas kapag ang tao ay tumatambay, hindi naman siya nag-iisa kundi may kasama siya (maliban na lamang sakin na madalas at "most of the times" ay mag-isang tumambay kaya nauuwi sa pagtulog ang lahat). Kapag ang isang grupo ng tao, kabataan man o matanda ay nakatambay, di mawawala ang kwentuhan at chikahan na patungkol sa buhay-buhay (madalas tungkol sa pag-ibig, o minsan naman ay tungkol sa iba't-ibang kwento ng buhay). Kaya siguro tama lang na ang pinagmulan ng salitang "tambay" ay talambuhay. Sa makabagong henerasyon ngayon, moderno na rin ang pagtambay, mapa-chat sa internet, texting at e-mail. Ang lahat ay nakatuon pa rin sa pagtambay o pagstay sa isang lugar upang magkaron ng panahon na makipagkwentuhan at makipagchikahan sa mga kaibagan o minamahal sa buhay.

Sa panahon na tayo ay "tambay", sino ba ang madalas at gusto mong makausap? Sana sa panahon na ito, wag naman sanang laging ang mga kaibigan o sinumang tao ang kausapin natin. Kung mayroon mang masarap makasama at makausap sa panahon na tayo ay tambay, yun ay walang iba kundi ang ating "PANGINOON HESUS". Kung sa bawat panahon na tayo ay tambay, bakit hindi natin gamitin ito upang kausapin SIYA at ikwento natin ang mga bagay na nangyayari sa atin, ang masasayang pangyayari at maging ang pangit at masasakit sa ating puso. Kung ang PANGINOON ay kukwentuhan natin, isang katotohanan na siya ay makikinig at kung may mga problema o naisin tayong nais idulog sa kanya ay siguradong tutulungan NIYA tayo.

Ang kagandahan na pagtambay kasama ang PANGINOON, anumang oras eh "available" SIYA. Di mo na kailangan tawagin SIYA dahil lagi natin SIYANG kasama saan mang lugar tayo naroon. Ang tanong, "tayo ba ay available para tumambay at makipagkwentuhan sa PANGINOON?"

Ang pagtambay kasama ang PANGINOON, sa pamamagitan ng pag-aaral at pagbabasa ng KANYANG salita at pakikipagkwentuhan sa KANYA sa panalangin. Tunay nga na kaysarap ng mga panahon na ito.

Friday, December 24, 2010

Tao po! Tao po! May tao po ba dyan?

Naranasan mo na bang pumunta sa isang bahay, na sa iyong pagkatakok sa pintuan ay halos inabot ka na ng kalahating oras kakakatakok sa pinto, kakabanggit at kakasigaw ng may tao po ba? Tao po?... Matapos ng effort na ginawa mo pagkatakok, wala namang sumasagot kundi tanging tahol lamang ng aso ang sumasagot sa kakasigaw mo.. E di sana ang sinabi mo na lang eh.. Aso po? May aso po ba? At least, may sumagot sa iyo.. Dba?.. Anyway, pasencya na sa corny at walang saysay na joke.. Hehe. Sa pagkatakok sa isang pintuan, minsan kelangan mong maghintay kung may sasagot at magbubukas ng pinto.. Malas mo na lang kung wala talagang tao, nagpakagod ka lang sa wala.

Naranasan mo na rin bang magkaroon ng kausap na parang wala naman. Bakit parang wala? Kasi wala sa sarili ang kausap mo dahil iba ang iniisip nito sa kung anong sinasabi at ikinukwento mo. Diba nakakaasar yung ganon? As in non-sense yung kausap mo. Minsan, mas nakakaasar pa kapag andami mo ng nasabi, halos 3 oras ka ng nagsasalita at dumadakdak na halos maubos ng boses mo ay isang napakatinding tanong lamang ang magiging response sayo ng kausap mo na.. Ano nga uling sinasabi mo? Pakiulit naman.

Halos ang bawat isa kailangan ng kausap, ng malalapitan, ng masasandalan, mapagsasabihan ng mga sikreto, mahihingan ng payo o kahit ng makikinig lamang satin. Madalas ay namimili tayo ng mga kakilala na makakasama natin, mapagkukwentuhan at masasabihan na mga bagay na pinakatatago-tago natin. Ang mas pinipili natin yung mga taong alam natin ay makasasagot at makatutulong sa atin. Ngunit, sino nga ba ang dapat o nararapat na lapitan, kausapin at pagkatiwalaan ng lahat nating mga kwento at saloobin.

Ang sabi sa Jeremiah 33:2.. "Tumawag ka sa akin, at ako'y sasagot sa iyo." kung may roon man tayong mga bigat sa puso, alalahanin, katanungan na gumugulo sa isipan at mga bagay na di nalalaman ay isa lamang ang nararapat nating puntahan at kausapin. Nasaan ka mang lugar, tumawag ka lang kay YAHWEH as Siya'y sigurado at tiyak na darating. Handa SIYANG makinig, mag-encourage, mag-advice, at magtama ng anumang mali sa atin. Siya ay walang iba kundi ang Panginoong Yeshua (Jesus), magbibigay ng kasagutan at makikinig sa anumang nais mong idulog at sabihin. Kung minsan ay hindi agad siya sumagot sa bawat kahilingan natin ngunit ang sigurado ay makikinig at nakikinig SIYA. Di mo na kailangang magtanong kung may tao ba? At maghintay ng napakatagal kundi ang kailangan lang ay matutong maghintay. Ang pagsagot ng PANGINOON YESHUA ay sigurado at kung tayo ay mananating tapat.
Maraming salamat oh YAHWEH sa iyong pangako na di kami iiwan at lagi kang makakasama. Lagi kang nariyan at makikinig anumang sitwasyon ang aming pinagdadaan, walang pagtatangi at hindi nagbabago. Kay YAHWEH ang lahat ng kapurihan at pagsamba.

Monday, December 20, 2010

BAKIT NGA KAYA?

Bakit kaya maraming bagay ang sadyang komplikado? Bakit nga kaya maraming bagay ang di maaaring gawin agad-agad? Bakit kailangang lumipas pa ang panahon bago mapagtanto ang katotohanan na minsan gumulo at hanggang ngayon ay gumugulo sa isipan na marami?

Sa maraming pagkakataon, ang bawat tao ay may mga katanungang pilit hinahanapan ng kasagutan. Madalas, dahil sa pagiging desperado na masagot ang kanilang katanungan ay gumagawa ng mga paraan na di angkop kaya sa bandang huli ay puno ng sakit at pagsisisi. May mga katanungan na minsan ay nangangailangan ng mahaba-habang pasensya at paghihintay bago magkaroon ng kasagutan. Minsan, kahit alam mo na ang kasagutan sa iyong katanungan, ay may panibagong katanungan na naman na susulpot at muling magbibigay ng kaguluhan sa pag-iisip ng tao. Mga katanungan panahon na lamang ang makasasagot, mga katanungang may kinalaman sa oras at panahon. Bakit nga ba kailangang maghintay? Bakit may mga bagay na nararapat itago? Bakit may mga katotohanan na dapat ipagpaliban at di muna dapat sabihin? Bakit kahit gusto ko ay di pa rin pwede?

Maraming bagay at katanungan ang paniguradong gugulo sa buhay mo, at sa buhay ng bawat isa. Kung minsan, dahil sa kawalan ng kasagutan sa mga ito, ay dito rin nagsisimula na maligaw ang ilan dahil sa maling paghahanap ng kasagutan at maling mapupuntahan upang makahanap ng kasapatan. Minsan nakakainip ang maghintay, nakakabagot at nakakaantok. Ang simpleng pag-iisa habang nakapila sa isang napakahabang linya upang makasakay at makauwi ay nakakabagot na, pano pa kaya kung sa bawat araw na lumilipas ay naghihintay ka sa pagdating ng tamang panahon sa tamang lugar at sa oras na ang lahat ay ayon sa kalooban NIYA.

Bakit nga ba hindi maaaring sabihin ang ang mga bagay na magbibigay sa atin ng kalayaan? Bakit nga kaya di na lang magpakatotoo? Marahil, kung mangyari man na masabi ang mga bagay-bagay ay magdulot lamang ito ng lalo pang kaguluhan kung hindi pa naman ito napapanahon. Na kung malayang sasabihin ang lahat ay magdudulot lamang ito ng mas magulong palaisipan at di pagkakaunawaan. Kung ang pagsasabi ng saloobin ng bawat isa ay magdudulot ng pagkalito at pagkabigo, marahil tama lang na wag na lamang ipaalam at panatilihin na lamang na lihim.

Sa lahat ng katanungan, ito ang katotohang aking pinanghahawakan at paninindigan: Eclesiastes 3:1.. "Sa bawat bagay ay may kapanahunan, at panahon sa bawat bagay sa silong ng langit". Ako ay matiyagang maghihintay at ipagkakatiwala ang lahat sa'Yo oh YAHWEH. Ikaw ang nakakaalam ng mga mabubuting bagay para sa akin. Isang napakagandang plano ang iyong inilaan sa akin at sa aming lahat na iyong anak. Ang nais ko ay ang lumakad sa iyong katuwiran at kabanakan. Ang lumakad ayon sa iyong kalooban ang nais ko. Ang katotohanang sinasabi sa IYONG salita: Eclesiastes 3:11, "Ginawa Niya ang bawat bagay na maganda sa kapanahunan niyon.." Maghintay man ng matagal, ako'y di mapapagod dahil nalalaman ko na ang lahat ay ayon sa KANYANG kalooban. Sa'YO oh YAHWEH ang lahat ng kaluwalhatian, kadakilaan, pagsamba at kapurihan.

Friday, December 3, 2010

COUNTING DAYS BEFORE IT COMES..

"Counting days before that day comes"...

Ano nga bang araw ang inaasahan kong darating sa buwan na ito? Maraming mangyayari sa buwan na ito, isa dyan ay ang CHRISTMAS at NEW YEAR. Maliban pa sa mga ito, sa buwan din na ito, December.. Muli na naman akong tatanda. 3 magkakaibang araw na aking ipagdiriwang, ngunit lahat ay may kahulugan na dapat kong ipagpasalamat. Ano-ano nga ba ang mga bagay na maaalala ko at kahulugan ng mga ito?

December 16, 1986... Ito ang araw na ako ay nagkaroon ng buhay. At ang buhay na ito ay nagmula sa PANGINOON. Itong darating na ikalabing-anim ng Disyembre, muli na namang mapapalitan ang huling numero ng aking edad. Simula pa ng ako ay 1 taon pa lang, at hanggang ngayon.. Maraming pagpapala, pagsubok at pagtatagumpay na ang ipinamalas ng PANGINOON sa akin. Maraming taon ko nang naranasan ang kabutihan at katapatan ni YAHWEH. Walang katulad ang pagkilos ng PANGINOON sa aking buhay. Kung mayroon mang dahilan kung bakit dapat akong matuwa at magdiwang sa pagdating ng araw ng aking kapanganakan ay hindi dahil sa araw kundi dahil sa walang hanggan at walang katapusan na kabutihan, katapatan at pagmamahal ni YAHWEH sa akin. Ang dahilan at ang "object" kung bakit ako magdiriwang ay hindi ang aking sarili kundi ang PANGINOON mismo. Utang ko ang lahat sa KANYA, hindi ko ma-eenjoy ang buhay kong ito kung hindi dahil sa pag-ibig ng PANGINOONG HESUS na ipinamalas NIYA sa krus ng kalbaryo. Ako ay nagpapasalamat kay YAHWEH at ang buhay ko ay naging makulay at may kahulugan ng dahil sa KANYANG kalooban.

December 25.. Sa kultura ng lahat na aking nakagisnan, ang araw na ito ay ang araw ng kapanganakan ng PANGINOONG HESUS. Ngunit ang katotohanan, hindi naman sa araw na ito ipinanganak ang PANGINOON. Kung may dahilan man kung bakit ito ay ipagdidiwang ko kahit hindi ito ang mismong araw ay dahil sa ang ipinagdiriwang ko ay ang katotohan na ang PANGINONG HESUS, ang Tagapagligtas at Panginoon, ang Diyos na nagpakababa at nagkatawang tao ay minsang naparito sa lupa upang "Tayong lahat ay iligtas." Hindi ako nagdiriwang dahil sa araw, nagdiriwang ako dahil sa "essence" at "tunay na dahilan" ng pagdiriwang. Kung ang PANGINOON ay hindi ipinanganak o hindi naparito sa lupa, marahil ang buhay kong ito ay walang saysay dahil siguradong sa impiyerno patutungo ang aking buhay. Ang sabi nga sa aklat roma, "Ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan, Ngunit, ang kaloob ng PANGINOONG HESUS ay buhay na walang hanggan." Sana lamang ay makita ng lahat na ang tunay na kahulugan ng ipinagdiriwang natin pag dec. 25 ay hindi ang araw, hindi rin si sta. Claus, ni hindi rin ang anumang christmas bonus o 13th month, hindi rin ang bonggang mga party, kainan o pagkain, kundi tanging ang PANGINOONG HESUS ang sentro ng selebrasyon na kung tawagin natin ay pasko.

January 1.. Hindi na ito parte ng december ngunit ito ay isang napakahalagang araw sa buhay ng lahat ng tao. Ito ang unang araw ng bagong taon, isang katotohanan na ang mga oras, araw at taon ay lumilipas at natatapos, ngunit sa bawat taon na lumilipar ay mayroong bagong araw upang magsimula na tama, o itama ang maling nasimulan. Isang bagong araw na puno ng pag-asa, na kung paanong ang isang buong taon na lumipas ay puno ng pagsubok ng buhay ay naroon ang pagtatagumpay na binigay ng PANGINOON sa atin. Isang bagong araw na kung tayo man ay may nagawang mali ay naranasan natin ang pagpapatawad ng PANGINOON kaya't may pag-asa at kagalakan tayong harapin ang bukas. Isang bagong araw na muli ang ipaparanas ng PANGINOON ang kanyang walang hanggang kabutihan at walang katulad na pagkilos sa buhay nating lahat. At sa lahat ng ito, makikita natin ang kung may dapat ipagdiwang sa bagong taon ay walang iba kundi ang kabutihan at katapatan ni YAHWEH sa lahat ng tao. Hindi ang anumang pagtatagumpay na nagawa ng tao, kundi ang kalakasan na ibinigay ng PANGINOON kung bakit tayo nagtagumpay ang dahilan upang magpasalamat. Ang bagong taon ay araw ng pasasalamat sa dakilang gawa ni YAHWEH sa ating lahat.

Sa lahat ng mga araw na ito, ang katotohanan ay ang bawat araw ay isang pagdiriwang dahil patuloy na gumagawa at kumikilos ang PANGINOON sa buhay ng bawat isa. Sana nga lang, makita ng lahat na ang buhay natin ay magkakaron lamang ng kahulugan kung ang PANGINOONG HESUS ang nasa buhay natin, kung SIYA ang ating TAGAPAGLIGTAS, PANGINOON at HARI ng ating buhay.

Sa IYO oh PANGINOON ang lahat ng pagsamba, papuri, pagluwalhati at pagdakila.